-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Iaapela umano ng dating strategist ni dating Pangulong Donald Trump na si Steve Bannon ang magiging desisyon ng korte.

Ito ay kaugnay ng mga contempt charges laban sa kanya dahil sa pagbalewala sa subpoena sa kanya ng January Six Commission ng US Congress na nagsisiyasat sa paglusob noon sa US Capitol.

Si Bannon ay umamin na isa sa mga nagplano sa paglusob ng mga tagasuporta ni dating Pangulong Trump.

Inihayag ni Bombo International News Correspondent Jon Melegrito, news editor ng isang pahayagan sa Washington DC na inamin ni Bannon na siya at mga kasabwat ang nagplano para lusubin ang US Congress para hindi maideklarang nanalo si Pangulong Joe Biden.

Binalewala ni Bannon ang mga subpoena sa kanya ng US Congress kaya sinampahan siya ng contempt charges sa Department of Justice .

Tumagal lamang ng limang araw ang paglilitis at nakatakdang ipalabas ang desisyon sa kanyang kaso.

Maaari umanong makulong si Bannon ng isang buwan hanggang dalawang taon.

Ang iba pang adviser ni Trump na sina Peter Navarro at Mark Meadows ay isusunod na isasalang sa paglilitis para mapatawan ng kaukulang parusa.