Hindi umano kumbinsido si dating Senator Leila de Lima na ang suspendidong si Bureau of Corrections (BuCor) chief Dir. Gen. Gerald Bantag ang mastermind o utak sa pagpatay sa mamamahayag na si Percy Lapid.
Sinabi ng dating senadora sa isang statement mula sa kaniyang selda sa Camp Crame na ang 54-anyos na corrections official ay hindi pa ganun katanda para tawaging “Tanda” at hindi din aniya si Bantag ang itinuturong Tanda ng mga inmates.
Hinikayat din ng dating mambabatas ang mga awtoridad na hanapin ang tunay na mastermind na nasa likod ni Bantag.
Sa alegasyon pa ni De lima, ang tunay daw na Tanda ay maaaring ang dating Pangulong Rodrigo Duterte na palagi nitong pinagsu-suspetsahan na nagtalaga kay Bantag bilang head ng BuCor para bantayan ang mga convicts sa Bilibid na nagtestigo laban sa kaniya.
Dapat din aniya na huwag lamang nakatuon ang imbestigasyon ng Department of Justice, National Bureau of Investigation at ng Philippine National Police kay Bantag.
Kwestyonable din aniya kung determinado talaga si Bantag na mag-utos ng sarili lamang niya para ipapatay si Lapid nang walang nag-utos sa kaniya na iba na mas makapangyarihan kaysa kay Bantag.
Subalit ayon kay Southern Police District director Brig. Gen. Kirby John Kraft hindi kabilang ang dating pangulo sa 160 persons of interest na iniimbestigahan ng PNP kaugnay sa pagpatay sa mamamahayag. Itinangggi na rin ni DOJ Sec. Crispin Remulla na may kaugnayan sa kontrobersiyal na kaso ang dating pangulo.
Una rito, ikinanta ng ilang inmates ng New Bilibid Prison (NBP) ang pangalang Bantag na tinatawag umano nilang “Tanda” na siyang nag-utos na mag-ambag-ambag para mabuo ang P550,000 para sa pag-hire ng papatay kay Lapid.