-- Advertisements --

NAGA CITY – Wala nang buhay ng matagpuan ang katawan ng isang 37-anyos na lalaki sa Brgy. Masoli, Bato, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si Samuel Bertumen, residente ng Brgy. Apad, Polangui, Albay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Police Capt. Chester Enriquez Jr., hepe ng Bato PNP, sinabi nito na una ng nakuha ang katawan ng biktima sa tabing kalsada.

Ayon kay Enriquez, batay sa imbestigasyon napag-alaman na mayroong mga tama ng bala ng baril ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng kaniyang katawan.

Ayon pa dito, sa pakikipag-ugnayan ng Bato PNP sa Polangui PNP, napag-alaman na pasado ala-1:00 ng hapon ng pinilit itong kunin ng limang hindi pa nakikilalang mga lalaki sa kanilang lugar.

Habang napag-alaman naman na isang dating Barangay kagawad ang naturang biktima.

Dagdag pa ni Enriquez, pinaniniwalaang sa nasabing lugar lamang iniwan ang biktima ng mga suspek matapos isagawa ang krimen.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa naturang insidente.