Isang dark horse o malakas na kandidato ang posibleng lulutang umano sa Speakership race ngayong araw na posibleng makaapekto kay Taguig City Rep. Alan Peter Cayetano.
Ayon kay Albay Rep. Joey Salceda, “front-running” pa rin si Cayetano matapos na iendorso ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanilang term sharing ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.
Subalit maaring may lumutang aniyang dark horse sa breakfast meeting na ipinatawag ni Davao Rep. Paolo “Pulong” Duterte pero tumangging pangalanan ni Salceda ang binabanggit nitong kaabang-abang na Speaker aspirant.
Kinokonsidera na rin aniya ng ilang mga kapwa niya mambabatas ang paalala ni Presidential spokesperson Salvador Panelo na hindi naman magagalit si Pangulong Duterte sa oras na iba ang iboto sa inendorso niya.
Iginiit ni Salceda na hindi naman basta magpapatawag lamang si Pulong ng breakfast meeting kung ang pakay nito ay makilala lamang ang mga kasamahan niya sa 18th Congress.
Nabatid na nasa halos 200 kongresista ang dumalo sa breakfast meeting ni Paolo ngayong alas-8:00 ng umaga sa South Lounge ng Batasang Pambansa.
Gayunman, sinuman ang mahalal bilang Speaker ay dapat na may direct line sa Pangulo, at kung siya raw ang tatanungin, ito ay wala nang iba kundi ang presidential son.