Pumanaw sa edad na 46 ang kilalang cultural artist at aktibistang si Carlos Celdran.
Nitong araw nang kumpirmahin ng kanyang asawang si Tesa ang pag-yao nito.
“As the family is making arrangements to bring him home, no details can be announced yet. Only that he passed from natural causes,” batay sa Facebook post.
Nakilala si Celdran nang mag-protesta ito sa gitna ng misa sa Manila Cathedral noong 2010 kung saan bitbit nito ang plakang may nakasulat na “Damaso.”
Tugon ito ng aktibista sa pag-kontra ng simbahan sa isinusulong noon na Reproductive Health bill.
Nasa loob noon ng simbahan sina Cardinal Gaudencio Rosales, dating Philippine Ambassador to Rome Henrietta De Villa at iba pang lider ng simbahan.
Kung maaalala, tanyag ang karakter ni Padre Damaso sa kathang “Noli Me Tangere” ng pambansang bayani Dr. Jose Rizal, kung saan sinasalamin nito ang pagiging malupit ng mga pari noong panahon ng Espanyol sa Pilipinas.
Bukod sa pagiging aktibista, kilala rin si Celdran bilang tour guide sa ilalim ng “If These Walls Could Talk” sa Intramuros sa loob ng 17-taon.
Nagtapos ng kursong Fine Arts sa Rhode Island School of Design sa Estados Unidos noong 1996 si Celdran.