Sugatan ang dalawang drayber matapos ang nangyaring banggaan sa pagitan ng isang ambulansya at tricycle kahapon, Nobyembre 20, sa Brgy. Bonawon, Siaton, Negros Oriental.
Minamaneho ng 45 anyos na si Arnold Arellano, ang Nissan Urban ambulance na pagmamay-ari ng LGU Basay at ang drayber ng tricycle naman ay nakilalang si Glenn Carsano , 38 anyos.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, bumiyahe ang ambulansya mula Dumaguete City patungo sa Basay habang ang tricycle ay binabaybay ang kabilang direksyon.
Iginiit pa ni Arellano na pagdating sa national highway, mabilis pa umano ang takbo ng tricycle at lumampas sa kurbada.
Sinubukan umanong magpreno nito ngunit nagbangaan pa rin ang dalawang sasakyan.
Nagtamo lamang ng minor injuries sa braso ang driver ng ambulansya habang dinala naman sa ospital sa Dumaguete ang drayber ng tricycle.