-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Hustisya pa rin ang sigaw ng mga kaanak at kaibigan ng dalagang hinalay at pinatay sa BellaLuz, San Mateo, Isabela habang inihahatid sa kaniyang huling hantungan ang biktima.

Sa nakuhang impormasiyon ng Bombo Radyo Cauayan sa San Mateo Police Station, nagpapatuloy pa rin ang kanilang pangangalap ng mga karagdagang impormasiyon at ebedensiya may kaugnayan sa pagkakilanlan ng mga suspek sa karumaldumal na krimen.

Naglabas na rin ng pabuyang P100,000.00 ang pamahalaang lokal ng San Mateo sa sinumang makakapagbigay ng impormasyon o makakapagturo sa suspek.

Matatandaang natagpuang wala nang buhay si Princess, 13 anyos sa isang irigasiyon malapit sa fishpond sa barangay Bella Luz na wala nang saplot pang-ibaba.

Lumabas sa pagsusuri ng doktor na ginahasa ang biktima bago pinatay at itinapon sa irigasiyon.

Maliban dito ay nagtamo rin ng matinding injury sa ulo ang biktima na palatandaang na pinalo ng matigas na bagay.