Naghain si Parañaque 2nd District Rep. Brian Yamsuan ng panukalang batas ang House Bill 9475 na naglalayong itaas ang Personnel Economic Relief Allowance (PERA) ng mga empleyado ng gobyerno mula P2,000 hanggang P5,000 kada buwan.
Ayon kay Yamsuan, hindi na naitaas ang PERA sa loob ng 17 taon sa kabila ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, kuryente, pamasahe, at iba pang gastusin.
Aniya, kabilang sa mga pinakaapektado ng inflation ang mga pampublikong guro, health workers, clerks, at maintenance personnel na mababa ang sahod.
Saklaw ng panukala ang mga empleyado ng nasyunal at lokal na pamahalaan, maging regular, contractual, at casual personnel na sakop ng Compensation and Position Classification Act.
Makikinabang din dito ang military at uniformed personnel, maliban sa mga nakatalaga sa ibang bansa na tumatanggap na ng overseas allowance.
Nakasaad din sa panukala na rerepasuhin ng Department of Budget and Management, katuwang ang Civil Service Commission, Department of Economy, Planning and Development, at iba pang ahensya, ang halaga ng PERA kada tatlong taon batay sa inflation, cost of living, at kakayahan ng pondo ng pamahalaan.
Kung maisasabatas, kukunin muna ang pondo para sa dagdag-PERA sa unang taon mula sa government savings, habang isasama naman ang pondo para sa mga susunod na taon sa General Appropriations Act.










