-- Advertisements --

Nakatakdang palakasin ng pamahalaan ang hakbang nito sa pag-isolate ng COVID-19 cases sa gitna ng tumataas na bilang ng kaso ng coronavirus disease sa bansa.

Ayon kay Sec. Vince Dizon, ang itinalagang testing czar, karagdagang 3,000 na kama ang bubuksan ng Department of Public Works and Highways sa ilang We Heal as One Centers.

Si Sec. Mark Villar ng DPWH ang itinalagang isolation czar ng administrasyon, pero kasalukuyan itong naka-quarantine magtapos mag-positibo sa COVID-19.

“‘Yun po ang ating mga ginagawa ngayon na very concrete para sa loob ng dalawang linggo at sa buwan ng Agosto ay madagdagan natin ang capacity na i-manage ang ating cases,” ani Dizon sa isang press briefing.

Bukod sa dagdag na kama sa govenment-isolation facilities, asahan din daw na dodoble ang kasalukuyang 1,700 beds mula sa mga hotel na ginawa ring isolation facility.

May 500 karagdagang kama rin daw na bubuksan sa East Avenue Medical Center at Quirino Memorial Medical Center.

Sa ilalim nang inilunsad na One Hospital Command Center nitong araw, palalakasin ng mga ospital ang referral system sa mild at asymptomatic cases patungong quarantine facilities.

Batay sa case bulletin ng Department of Health (DOH) ngayong araw, August 6, nasa warning zone pa ang occupancy rate ng COVID-19 dedicated beds sa buong bansa.

Pero sa Metro Manila, nananatiling nasa danger zone ang occupancy ng ICU, isolation at ward beds ng COVID-patients. 50% naman na ng mechanical ventilators ang ginagamit.