Umapela si Senate Committee on Labor Chairman Jinggoy Estrada sa mga employers na bigyan ng dagdag na insentibo o benepisyo ang mga manggagawa na papasok pa rin sa kabila nang matinding init ng panahon.
Ito, ayon kay Estrada ay bilang pagpapakita na patas at kinikilala rin ng mga employers ang kapakanan ng kanilang mga empleyado.
Bukod dito, hinimok din ng Senador ang mga employers na magpakita ng malasakit sa mga manggagawang papasok at hindi papasok sa trabaho dahil sa extreme weather condition.
Kasunod na rin ito ng inilabas na advisory ng Department of Labor and Employment (DOLE) kung saan ang mga empleyadong may comorbidity o iniindang karamdaman ay maaaring hindi pumasok sa trabaho dala na rin ng panganib ng sobrang init ng panahon pero ang pagliban sa trabaho ay walang sweldo o kaya naman ay maaaring gamitin ng empleyado ang naipon na leaves.
Ayon kay Estrada, kailangang siguruduhin na hindi mabibigatan sa sitwasyon na ito ang mga manggagawa at hindi dapat balewalain ang financial strain na maaaring maging epekto nito sa mga empleyado.
Magugunitang una nang kinatigan ni Senadora Nancy Binay ang panawagan ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na magkaroon ng break o pahinga ang mga mangagawa na nagtatrabaho sa labas o sa initan.
Ayon kay Binay, dapat lamang na magkaroon ng pahinga ang mga empleyadong nagtatrabaho sa labas lalo na ang mga traffic enforcers na hindi maaring maghapon na bilad sa araw sa mainit na panahon.
Iginiit ng senadora na delikado para sa mga ganitong uri ng trabaho ang walang pahinga para makapagpalamig tulad ng pag inom ng tubig.