-- Advertisements --

Department of Agriculture, target magtakda ng SRP para sa asukal; maibaba ang presyo sa P85
loops: asukal, DA Kristine Evangelista

Target ng Department of Agriculture (DA) na magtakda ng suggested retail price (SRP) para sa asukal.

Ginawa ni DA Assistant Secretary Kristine Evangelista ang naturang pahayag matapos na ihayag ng media na hindi pa rin bumababa ang presyo ng asukal kahit pa inaprubahan na ang 40,000 metrikong tonelada ng inangkat na asukal para magamit ito sa domestic use at panibagong 36,000 metric tons.

Base sa latest price monitoring ng DA noong katapusan ng Marso, ang presyo ng refined sugar ay ibinibenta ng P86 hanggang P110 kada kilo habang ang presyo naman ng washed sugar ay mabibili sa halagang P80 hanggang P95 kada kilo. Sa brown sugar naman, ang presyuhan nito ay nasa P80 hanggang P95 kada kilo.

Paliwanag pa ng DA official na kanilang unang titignan kung magkano ang bagsak ng asukal sa mga palengke para malaman kung magkano ang ipinapatong ng mga tindera.

Subalit kapag sa oras na nagtakda aniya ng SRP ay nangangahulugan na dapat na matiyak na mayroon ding supplier ang mga retailer ng murang asukal.

Kaugnay nito, magtatakda ng schedule ang DA para magkaroon ng pagpupulong kasama ang Sugar Regulatory Administration (SRA) , sugar planters, millers, traders at mga retailer.

Aminado naman ang DA official na malabo pa sa ngayon na maibaba ang retil price ng asukal sa dating presyuhan nito noong nakalipas na taon na P50 hanggang P55 kada kilo dahil tumaas ang halaga ng ginagastos para sa produksiyon gaya ng abono gayundin sa milling dahil sa pagsipa ng presyo ng krudo.

Subalit tinitignan na rin aniya ng DA na maibaba kahit papano ang presyo ng asukal sa P85.