-- Advertisements --

Nakikiusap ang Department of Agriculture (DA) sa ilang sektor ng agrikultura na huwag nang ituloy ang bantang “food holiday” sa harap ng COVID-19 pandemic.

Ginawa ito ni DA Assistant Secretary Noel Reyes matapos na magbanta ng “food holiday” ang grupo nina Pork Producers Federation of the Philippines (ProPork) chairman Nicanor Briones dahil sa kahinaan ng gobyerno sa pagresobla sa problema sa African swine fever.

Ayon kay Reyes, sa halip na maghasik ng pagbabanta ay mas mainam kung magtulungan na lamang ang bawat isa lalo pa at hindi pa tuluyang nakakabangon din ang Pilipinas sa kalbaryo ng pandemya.

Handa rin naman aniyang makipag-usap ang DA pati na rin ang Department of Finance patungkol sa kompromisong hinihiling ng ilang sektor ng agrikultura.

Isa sa mga nakikitang dahilan ni Reyes bakit may pagbabanta ng “food holiday” ay ang pagpapababa kamakailan sa taripang sinisingil sa mga inaangkat na karne ng baboy sa layunin na mapababa ang presyuhan na sumirit kamakailan busnod naman ng mababang supply dahil sa ASF.

Ang hakbang na ito ng pamahalaan ay nakikita ng ilang mga sektor sa agrikultura na may kaakibat na negatibong epekto sa local hog industry.