-- Advertisements --

Nakatakda nang ipamahagi ng Department of Agriculture (DA) ang P5,000 fuel subsidy sa mga magsasaka upang matulungan silang makayanan ang pagtaas ng presyo ng langis dulot ng sigalot sa Middle East.

Ito ah matapos makakuha ng P50-milyong pondo ang DA, ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.

Nakalaan ito para sa humigit-kumulang 9,570 magsasakang gumagamit ng makinarya, batay sa datos ng Bureau of Agricultural and Fisheries Engineering (BAFE) ng DA.

Tanging ang mga nakarehistro sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture ang makatatanggap ng ayuda.

Sinabi ng DA na apektado ang produksyon at transportasyon sa agrikultura dahil sa mataas na presyo ng diesel.

Ang pagtaas ng presyo ng langis ay dulot ng tumitinding tensyon sa Middle East, na nagdudulot ng pagtaas sa gastos sa agrikultura, pamasahe, at presyo ng pagkain.

Samantala, patuloy ring ipinamamahagi ang hiwalay na fuel subsidy para sa mga mangingisda.