-- Advertisements --
image 92

Binabantayan ng Department of Agriculture(DA) ang umano’y patuloy na pagtaas sa presyo ng mga produktong itlog sa merkado.

Batay sa monitoring ng DA Bantay Presyo, naglalaro na sa P7.00-P9.50 ang kada piraso ng medium sized na itlog sa mga pamilihan sa Metro Manila.

Lumalabas din na P7.00 ang pinakamurang kada-pirasong presyo ng itlog sa merkado. Ito ay para sa pinakamaliit na piraso ng itlog.

Sa kasalukuyan ay nakatutok na rin umano ang DA sa ibat ibang dahilan na posibleng nasa likod ng naturang problema.

Kinabibilangan ito ng presyo ng patuka kung saan, malaking bahagi ng kapital ng mga producers ay napupunta sa pagkain ng mga manok.

Maliban dito, ayon kay DA Undersecretary for Livestock Deogracias Victor Savellano, pinipilit din nilang mapataas ang produksyon at kalidad ng mais dito sa bansa.

Ikatlo ay ang pagtutok ng ahensiya sa bird flu kung saan una nang naglabas ang DA ng guidelines para sa pagbabakuna sa mga manok.

Sa pamamagitan ng naturang mga hakbang, umaasa si Usec Savellano na panandalian lamang ang pagtaas ng presyo ng mga produktong itlog ngayong panahon ng kapaskuhan.