Nakatakdang bumisita sa Pilipinas si Czech Republic Agriculture Minister Marek Výborný (Ma-rik Bee-bor-nee) para bumuo ng kooperasyon na susuporta sa mga inisyatibo sa seguridad sa pagkain ng Pilipinas.
Nabatid na ang pagbisitang ito ni Výborný sa susunod na linggo ay kasama sa layunin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palawakin pa ang ugnayan sa Czech Republic sa usapin ng food security.
Sa isang joint press conference, sinabi ni Czech President Petr (Pet-re) Pavel na dadalhin nila sa bansa ang isang delegasyon ng mga negosyante upang ipakita ang interes sa pagnenegosyo sa agrikultura at iba pang pangunahing sektor.
Makikipagpulong din si Výborný kay Department of Agriculture Sec. Francisco Tiu Laurel Jr. at pangungunahan ang business forum na gaganapin sa Makati sa Marso 21.
Nakatakda din bumisita sa Davao ang Czech delegation para sa isa pang business forum habang magkakaroon din ito ng farm visit sa Tagum Agricultural Development Company, Inc. o Tadeco sa lugar.
Ang Czech Republic ay isa sa mga kasosyo ng Pilipinas na nagbibigay ng tulong sa pag-aanalisa at pagpapabuti ng value chains sa industriya ng gatas sa bansa.
Ang inisyatibong ito ay kasama sa five-year program ng DA upang taasan ang produksyon ng gatas sa bansa mula isa hanggang sampung porsyento.