Hindi pa rin maaring ibenta ang mga COVID-19 vaccines na inaasahang darating sa Pilipinas sa gitna ng nararanasang public health crisis.
Ayon kay Quirino Rep. Junie Cua, isa sa mga may-akda ng House Bill 8648, ipinagbabawal sa mga private entities, partikular na ang mga pharmaceutical firms, na ibenta sa ang mga binili nilang bakuna kontra COVID-19.
Nakasaad aniya sa panukalang batas na isinumite nila sa opisina ni Pangulong Rodrigo Duterte na maari lamang gamitin ang mga biniling bakuna ng mga private companies para sa inoculation ng kanilang mga empleyado.
Ang mga COVID-19 vaccines kasing papasok sa Pilipinas ay pinahihintulutang gamitin sa ilalim ng emergency use authority ng Food and Drugs Administration.
Ibinibigay ang EUA dahil kinikilala ng FDA na ang mga COVID-19 vaccines na ito hindi pa nabibigyan ng lisensya dahil under development pa ang mga ito.
Ibig sabihin nito, hindi pa commercially available ang naturang mga bakuna kung kaya’t hindi pa maaring ibenta ang mga ito.
Sa ilalim ng panukala, pinapayagan ang mga local government units at private entities, katuwang ang Department of Health at National Task Force Against COVID-19, na magpasok sa isang multiparty agreement sa DPH at supplier ng bibilhing bakuna.
Exempted sa buwis ang pagbili, pag-angkat, pag-imbak, transportm distribution at administration ng COVID-19 vaccines.
Higit sa lahat, magkakaroon din ng P500 million indemnity fund para sa makakaranas ng adverse effects sa bakuna.










