-- Advertisements --
Manila City Hall

Kasabay ng isinagawa kaninang hard lockdown sa tatlong barangay sa Maynila ay magsasagawa naman ang Manila Health Department ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) test sa ilang residente doon.

Ayon kay Manila City Public Information Officer Julius Leonen, target nilang isagawa ang rapid test kahit isa lamang sa bawat pamilya ngayong nasa 48 hours o dalawang araw na lockdown ang  Barangay 60, Zone 5 na sakop ng district 1; Barangay 163 Zone 14 na sakop naman ng district 2 at Barangay 844, Zone 92 na sakop naman ng District 6.

Ang Barangay 163 at 60 ay kapwa sakop ng Tondo habang ang Brgy. 844 naman ay sakop ng Pandacan.

Layon ng naturang rapid test na matukoy kung saang pamilya ang posibleng mayroong kaso ng virus at para maiwasan ang pagkalat pa ng COVID-19.

Batay sa nilagdaang Executive Order ni Manila Mayor Isko Moreno, ang lockdown ay ipinatupad na kaninang alas-12:00 ng madaling araw at magtatagal ito hanggang alas-11:59 ng gabi ng Hunyo 20.

Nakasaad pa sa executive order na habang umiiral ang lockdown ay bawal munang lumabas ng kani kanilang bahay ang residente ng mga nasabing barangay.

Maliban na lamang sa mga health workers, mga miyembro ng PNP, Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG) at iba pang government frontliners at mga service workers na nagtatrabaho sa mga essential services.