Bumaba sa 4.69 ang COVID-19 reproduction rate sa National Capital Region, ayon kay OCTA Research fellow Dr. Guido David.
Ayon kay David, kapag bumababa ang reproduction rate nangangahulugan na ang trend ay bumabagal na rin.
Ibig-sabihin lamang aniya nito ay maaring tumataas pa rin ang mga naitatalang bagong COVID-19 infections pero mas mabagal na ang hawaan sa ngayon.
Magugunita na ang COVID-19 reproduction number sa NCR noong Enero 2, 2022 ay pumalo pa sa 6.16.
Sa kabila nang pagbaba ng reproduction rate ngayon sa Metro Manila, hindi naman masabi pa ni David kung nakapag-peak na ang COVID-19 cases.
Nauna nang sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na nasa acceleration phase pa rin sa ngayon ang COVID-19 surge sa bansa, gayong ang mga numero sa ibang mga rehiyon ay tumataas na rin.










