Aabot na lang sa 56 ang COVID-19 patients na kasalukuyang nasa Philippine General Hospital (PGH), ang pinakamalaking coronavirus referral hospital sa bansa, ayon sa tagapagsalita nito.
Sinabi ni Dr. Jonas Del Rosario na ang average na bilang ng mga COVID-19 patients sa kanilang ospital ay nasa dalawa hanggang tatlo na lamang kada araw.
Minsan nga aniya, sa mga nakalipas na linggo, ay wala na silang natatanggap ng COVID-19 patients.
Ngayong 56 na lamang ang COVID-19 patients ang kanilang inaalagaan, sinabi ni Del Rosario na mas nakakahinga na sila kumpara sa sitwasyon sa mga nakalipas na buwan, lalo na noong nagkaroon ng surge dahil sa Delta variant.
Sa ngayon, ang ilan sa mga kama na dating inilalaan para sa COVID-19 cases ay ibinibigay na sa mga pasyenteng wala namang COVID-19.










