Pumalo na sa 72.9 percent o high-risk level ang COVID-19 bed hospitalization rate sa probinsya ng Cavite.
Base ito sa August 10 report ng Department of Health Center for Health Development Region IV-A (DOH CHD IV-A).
Ilang mga lungsod at munisipalidad naman ang nasa critical-risk leevel o iyong mga nakapagtala ng utilization rate na 85 percent o mas mataas pa.
Kabilang dito ang Carmona, Dasmariñas, General Trias, Imus, Silang, Tagaytay, at Tanza.
Ang Bacoor, na siyang mayroong pinakamaraming bilang ng mga ospital sa probinsya, ay nakapagtala ng high-risk level hospitalization rate na 72.1 percent.
Hanggang noong Agosto 16, nakapagtala ang Cavite ng 336 na bagong COVID-19 cases, dahilan para tumaas ang kabuuang bilang sa 9,239.
Sa kasalukuyan, nasa ilalim pa rin ng modified enhanced community quarantine ang buong probinsya ng Cavite.