-- Advertisements --
covid Omicron XE

Bumaba ngayon ang seven-day Coronavirus disease 2019 (COVID-19) positivity rate sa National Capital Region (NCR) sa 5.8 percent sa unang linggo ng 2023.

Ito ay base sa inilabas ng independent monitoring group OCTA Research ngayong araw.

Sinabi ni OCTA fellow Dr. Guido David, ang positivity rate o ang percentage ng mga taong nag-positibo sa COVID-19 sa bilang ng mga sumalang sa covid test ay bumaba mula sa dating 9.1 percent noong December 31, 2022 sa 5.8 percent noong Enero 7, 2023.

Sa Luzon, bumaba rin sa low level ang positivity rates sa Batangas, Bulacan, Ilocos Norte, at Pangasinan.

Ibig sabihin, bumaba ito ng 5 percent threshold.

Ang Bulacan naman ang nakapagtala ng pinakamababang data sa 3.5 percent mula sa dating 4.4 percent noong nakaraang linggo.

Ang mga probinsiya naman ng Albay, Bataan, Benguet, Cagayan, Camarines Sur, Cavite, Isabela, La Union, Laguna, Nueva Ecija, Pampanga, Quezon at Rizal ay bumaba ang positivity rates sa nakaraang linggo.

Pero sa kabila nito, maikokonsidera pa rin umanong “high” ang positivity rates sa Isabela at Albay na mayroong 35.1 percent at 25.6 percent, base sa pagkasunod.

Kahapon nang naitala ng Department of Health (DoH), ang 3,127 na bagong kaso ng COVID-19 infections sa buong bansa mula Enero 2 hanggang 8, 2023.

Ang daily case average sa nakalipas na linggo ay 447 o 9 percent na mas mababa sa dating 94.

Kahapon lang nang makapagtala ng 473 na bagong kaso ng COVID-19 ang bansa.

Ang National Capital Region (NCR) pa rin ang mayroong pinakamataas na kaso sa loob ng dalawang linggo na 2,200.

Sinundan ito ng Calabarzon na mayroong 1,090; Central Luzon na may 527; Western Visayas mayroong 339 at Cagayan Valley na may 338.