Pinalawig pa ng state pension fund na Government Service Insurance System (GSIS) ang condonation program para sa mga dating miyembro nito hanggang sa katapusan ng buwan ng Hunyo ng kasalukuyang taon.
Layunin ng pagpapalawig ng condonation program na ito na tinatawag na program for Restructuring and Repayment of debts (PRRD) ay para mabigyan ng karagdagang panahon ang mga miyembro nito na mabayaran ang kanilang existing loans sa ilalim ng naturang programa o makapag-apply ng panibago.
Ayon kay GSIS President at General Manager Rolando Ledesma Macasaet, sa condonation program, tatanggalin ang mga penalty sa kanilang mga hindi natapos na bayarang loan nang sila ay umalis o mag-retire mula sa serbisyo.
Hinikayat din ng GSIS official ang inactive members na mag-apply sa programa na mayroong 3 year installment basis option at 10% interest kasa taon.
Ilan sa mga maaaring i-avail na loans sa ilalim ng PRRD loans ay ang salary loans, cash advances, consolidated loans, emergency loans, educational assistance loans, policy loans at iba pa.
Paliwanag naman ng GSIS official na kapag ang isang borrower ay retiree na inaasahang makakatanggap ng pension sa edad na 60 o 65 anyos, mababawas ang kanilang payment mula sa kanilang pension. Subalit maaari ding masettle ang outstanding loan mula sa legal spouse kung saan ibabawas ang payment mula sa GSIS survivorship pension ng apouse o sa pamamagitan ng nasa halos 3000 bayad centers sa iba’t ibang lugar sa bansa.










