
Nakatakdang simulan ng Commission on Elections (Comelec) sa susunod na buwan ang pag-imprenta ng 1.6 milyong karagdagang balota para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Oktubre.
Ayon kay Comelec chairman George Garcia, ang mga balota ay ipi-print sa National Printing Office (NPO) sa Quezon City.
Aniya, ang mga balota ay kumakatawan sa mga karagdagang regsitered voters mula sa registration period noog December 12 hanggang January 31.
Naimprenta na ng Comelec ang 90,613,426 na opisyal na balota para sa botohan sa mga barangay at youth polls noong Marso.
Sinabi niya na naghahanda na rin ang ahensya para sa pagsasanay ng mga guro na magsisilbing miyembro ng electoral boards (EBs).
Ang nasabing pagsasanay ng mga guro ay gaganapin ngayong buwan ng Agosto.
Dagdag pa niya, nagsimula na silang mag-impake ng mga election paraphernalia na inihahanda na para sa naturang deployment.









