Mariing iginiit ng Commission on Elections (Comelec) na naging malinis at walang naganap na dayaan sa lumabas na resulta ng nakalipas na national at local elections noong Mayo 9.
Ito ay sa gitna pa rin ng mga pagpoprotesta at kilusan na isinasagawa ng ilang samahan na dismayado at hindi sang-ayon sa kinalabasang resulta ng botohan na nagpapakita ng napipintong pagkapanalo ng Marcos-Duterte tandem para sa posisyong pagka-pangulo at pangalawang pangulo ng Pilipinas.
Sa isanagawang press briefing ng National Board of Canvassers for the 2022 National and Local Elections ay binigyang-diin ni acting Spokesperson Director John Rex Laudiangco na mula pa sa umpisa ay ipinakita na ng komisyon na transparent ang lahat ng proceedings na kanilang isinasagawa.
Ito ay upang bigyang katiyakan aniya ang publiko na lahat ng kanilang ginagawa ay alinsunod sa batas at panuntunan ng bansa.
Aniya, kung sakaling may pagdududa pa rin ay hinikayat ni Laudiangco ang lahat na tignan at pakinggan din ang ginagawang obserbasyon ng ibang observers tulad ng Parish Parochial Council for Responsible Voting (PPCRV), UP School of Statistics, international community at iba pa na pinabulaanan naman ang mga alegasyong may iregularidad sa transmission at vote tallies ng Comelec.
Samantala, siniguro naman ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na parating silang handa sa mga protestang ikakasa ng ilang grupo sa Metro Manila.
Ayon kay MMDA Chairman Romando Artes, kaugnay nito ay mahigpit rin silang nakikipag-ugnayan sa Philippine National Police (PNP) at nagtalaga na rin aniya sila ng mga enforcers na mamamahala sa trapiko upang tiyakin na hindi maaabala ng mga rally ang daloy nito.
Wala namang isinarang kalsada ang MMDA sa gitna ng isinasagawang thanks giving rally nina Vice President Leni Robredo at Senator Kiko Pangilinan dahil gaganapin naman daw ito sa loob ng compound ng Ateneo de Manila University ngunit pinapayuhan pa rin naman ang mga motorista na hangga’t maaari ay gumamit pa rin ng mga alternatibong ruta.
Magugunita na una rito, bandang alas-9:00 ng umaga ay nagsagawa na rin ng kilos protesta ang ilang grupo sa pangunguna ng ilang martial law victims tulad ni Atty. Neri Colmenares upang ipahayag ang kanilang pagkadismaya sa naging resulta ng eleksyon at hinding-hindi anila matatanggap ng sambayanang Pilipino ang umano’y isang rehimeng binuo sa kasinungalingan, pandaraya, at nakaw na yaman.
Ginanap ang naturang pagkilos sa harap ng PICC sa Pasay City kung saan isinasagawa ng Comelec ang kanilang national canvassing ng mga boto para sa mga mananalong senador at party-list sa nakalipas na araw ng eleksyon.










