Iniulat ng Commission on Elections (COMELEC) na nasa 13 na kandidato sa pagka-senador at 41 party-list at political organizations pa lamang ang nakapagsusumite ng kanilang Statements of Contributions and Expenditures (SOCEs) para sa Eleksyon 2025. Ngayong Hunyo 11 ang itinakdang deadline ng poll body para sa pagpapasa ng SOCE.
Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia, inaasahan ng komisyon na ang iba pang lokal at pambansang kandidato ay magsusumite ng kanilang SOCEs hanggang matapos ang araw ng Miyerkules, Hunyo 11. Binigyang-diin din niya na walang palugit o extension para sa pagsusumite ng SOCE.
Nagpaalala rin ang tanggapan na ang senatorial candidate at party-list ay maaaring magsumite ng kanilang SOCEs sa Comelec Political Finance and Affairs Department (PFAD) sa may Intramuros, Maynila. Samantala, ang mga lokal na kandidato naman ay maaaring magsumite sa lokal na tanggapan ng COMELEC kung saan sila nagsumite ng kanilang Certificate of Candidacy (COC).
Ang mga kandidatong hindi makapagsusumite ng SOCE ay maaaring kasuhan ng administratibong paglabag at mapatawan ng multa. At para naman sa mga nanalong kandidato o political party, ang hindi pagsusumite ng SOCE ay maaaring maging hadlang sa kanilang pag-upo sa puwesto.