CAUAYAN CITY – Inihayag ni COMELEC Chairman George Garcia na normal lamang na matumal o kakaunti ang mga nagpaparehistro sa unang araw ng Voters Registration para sa gaganaping Barangay at Sangguniang Kabataan sa susunod na taon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa kanyang pagdalaw sa Isabela, inihayag ni COMELEC Chairman Garcia na asahan sa ikalawa at ikatlong linggo ng voters registration ay marami na ang magpaparehistro lalo na at bakasyon na ng mga mag-aaral.
Hinikayat ng COMELEC Chairman ang mga botante na magparehistro na at huwag nang hintayin ang huling araw ng registration sa January 31, 2023 dahil tiyak na mahaba na naman ang pila.
Ang mga tanggapan nila sa mga lalawigan ay walang suliranin dahil maluwag habang sa mga malalaking Lunsod sa Metro Manila ay maliliit dahil sila ay nangungupahan lamang.
Inatasan na rin niya ang mga tanggapan na umupa ng mga gymnasium na puwedeng pagsagawaan ng voter’s registration.
Ayon kay Comelec Chairman Garcia, mayroon ding limang Mall sa Kalakhang Maynila na maaring magparehistro sa araw ng Sabado at Linggo sa “Register anywhere project” ng COMELEC.
Kapag naging matagumpay ang kanilang Register anywhere project ay isasagawa din ito sa mga susunod pang voters registration.
Nilinaw niya na ang mga kasalukuyang opisyal ng Barangay ay nasa Hold over Capacity hanggang walang nahahalal na bagong opisyal ng Barangay.
Samantala, inihayag pa ni Garcia na mayroong nang 10 million ballots na naka-imprenta at isusunod nilang iimprenta ang 81 million ballots at ito ay bukod pa sa mga maidadagdag na mga registered voters.