-- Advertisements --

Hindi malayong mapilitan ang mga mananakay na sa mga colorum na lamang sumakay dahil sa “no vaccination, no ride” policy na ipinatutupad ngayon sa National Capital Region (NCR), ayon sa Pilipino Society and Development Advocates Commuter-Consumer (PASADA CC).

Sinabi ni Ric Rivera ng naturang commuters’ group, karamihan sa mga colorum na sasakyan ay hindi sumusunod sa health protocols na itinatakda ng national government.

Sa ngayon, pumapalo na aniya ang bilang ng mga colorum na sasakyan na pumapasada ng hanggang 12,000.

Sa dami ng mga ito, posible talagang dito na lamang sasakay ang mga hindi pa bakunado kontra COVID-19, na maaring maging mitsa pa nang mas matinding hawaan ng sakit.

Enero 11, 2022 nang inilabas ni Transportation Sec. Arthur Tugade ang Department Order No. 2022-001, na nagsasabing tanging ang mga fully vaccinated lamang kontra COVID-19 ang papayagang makasakay sa mga pampublikong sasakyan sa NCR sa ilalim ng Alert Level 3 o mas mataas pa.