Iginiit ni public law expert Atty. Ariel Inton na hindi sapat na batayan ang mga recommendatory findings ng Commission on Audit (COA) upang mapatalsik sa puwesto ang isang nakaupong bise presidente.
Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu, sinabi ni Inton na mismong mga testigong mula sa COA ang umamin sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte na hindi pa pinal ang resulta ng kanilang audit at nananatiling recommendatory lamang ang kanilang mga findings.
Ayon kay Inton, hindi rin napatunayan ng prosekusyon sa pagdinig ang alegasyon ng umano’y maling paggamit ng confidential funds.
“Ang naipakita lamang nila ay ang diumano’y hindi pagsunod ng Office of the Vice President (OVP) sa ilang auditing at accounting principles batay sa findings ng COA. Ngunit ang mga ito ay maaari pang maitama dahil recommendatory lamang ang mga obserbasyon ng COA,” ani Inton.
Ipinaliwanag pa niya na ang layunin ng COA sa kanilang audit ay magbigay ng rekomendasyon sa mga ahensya ng gobyerno upang maitama ang mga kakulangan, at hindi agad tukuyin na may naganap na katiwalian.
Binigyang-diin din ni Inton na patuloy na nakatatanggap ang OVP ng “unqualified opinion” mula sa COA sa opisyal nitong audit reports, na aniya’y pinakamataas na uri ng audit opinion at iilan lamang sa mga tanggapan ng pamahalaan ang nakakakuha nito.
“Kung unqualified opinion ang opisyal na audit opinion ng COA sa OVP, mahirap sabihin na may napatunayang korapsyon. Hindi maaaring alisin sa puwesto ang isang bise presidente batay lamang sa assumption o presumption,” dagdag niya.
Sa kabuuan, sinabi ni Inton na para sa kanya ay hindi naging sapat ang ebidensyang iniharap ng prosekusyon sa unang artikulo ng impeachment.
“Akala ko ay dito ilalatag ang pinakamabigat nilang ebidensya, ngunit sa aking pananaw ay kulang pa ito. Mismong mga testigo ang nagsabing recommendatory lamang ang findings ng COA, at ang anumang nakitang kakulangan ay hindi awtomatikong katumbas ng corrupt practices,” ani Inton.
Ang pahayag ni Inton ay kanyang personal na pagsusuri sa naging presentasyon ng prosekusyon sa impeachment trial ngayong linggo, kung saan dalawang testigo mula sa COA ang humarap sa impeachment court.















