-- Advertisements --

Pinaninindigan ni Education Sec. Leonor Briones ang naunang desisyon ng Department of Education (DepEd) na sa Agosto 24 ang pagbubukas ng klase kahit pa ibinalik sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang Metro Manila at karatig-lalawigan.

Ginawa rin ni Sec. Briones ang pahayag sa kabila ng panukala ng ilang mambabatas at lokal na opisyal na pamahalaan na ipagpaliban muna ang class opening sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Sinabi ni Sec. Briones, tuloy na tuloy ang pagbubukas ng klase sa Agosto 24.

Ayon kay Sec. Briones, gaya ng nakapaloob sa ipinasang batas kamakailan ng Kongreso, nasa Ehekutibo ang pagpapasya kung kailangang ipagpaliban muna ang pagbubukas ng klase ngayong taon.

Iginiit ni Sec. Briones na wala namang face-to-face learning at mangyayari lamang ito kapag may bakuna na laban sa COVID-19.

“Tuloy pa rin. Tuloy na tuloy talaga on August 24 ang opening of classes,” ani Sec. Briones.

“Sa mga areas like NCR and Region 4A na under close monitoring pa, hindi sila masyadong apektado dahil lahat ng classes natin ay online walang face-to-face until next year and until the President so declares,” dagdag ni Sec. Briones.