-- Advertisements --
image 116

Todo paalala ngayon ang Civil Service Commission (CSC) sa lahat ng mga tanggapan ng pamahalaan na siguruhing hindi maaantala ang kanilang serbisyo kahit na kaliwa’t kanan na ang Christmas at year-end parties.

Ayon kay CSC Chairperson Karlo Nograles, hindi naman ipinagbabawal ang pasasagawa ng office parties lalo’t taunang tradisyon na ito ngayong holiday season.

Gayunman, dapat aniyang siguruhin pa rin na tuloy-tuloy ang pagbibigay-serbisyo ng mga tanggapan sa loob ng official working hours.

Aniya, dapat na unahin muna ang trabaho at mga kliyente bago ang Christmas Party.

“Ang mga Christmas o year-end parties po ay bahagi na ng taunang tradisyon sa mga opisina. Hindi naman ito ipinagbabawal, ngunit siguruhin po nating tuluy-tuloy ang pagbibigay-serbisyo ng ating mga tanggapan sa loob ng official working hours. ‘Wag po nating hayaan habang tayo ay nagsasaya, malungkot o galit naman ang ating mga kliyente,” paliwanag ni Nograles.

Kasunod nito, hinikayat ni Nograles ang mga ahensya na i-adopt ang nararapat na working schedules gaya ng ‘skeletal force’ para maasikaso ang mga pumupunta sa mga tanggapan.

Bukod dito, muli ring ipinaalala ng CSC sa mga kawani ng gobyerno na bawal ang mag-solicit o tumanggap ng anumang regalo sa mga kliyente ngayong Kapaskuhan.

“If there is a client or applicant, supplier or contractor, or any other individual, group, or company that you transacted business or regularly transact business with, who is extending a gift or token to you, just politely decline and explain that you are only doing your job. Sa madaling salita, trabaho lang po.”