
Inihayag ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na handa silang harapin ang isasagawang imbestigasyon ng Senado kaugnay sa nangyaring power outage at technical glitch sa kanilang air navigation system na dahilan ng pwersahang shutdown ng airspace ng bansa noong New Year’s Day.
Sinabi pa ni Capt. Edgardo Diaz, CAAP deputy director general for operations na bukas sila sa lahat ng inquiries na gagawin ng anumang sektor ng gobyerno kahit pa naibalik na sa normal ang kanilang operasyon kasunod ng naranasang aberya sa Communications, Navigation, and Surveillance/Air Traffic Management (CNS/ATM) System at uninterruptible power supply (UPS) o backup power supply.
Una ng isinulong ni Senate Committee on Public Services chairwoman Grace Poe na magsasagawa sila ng imbestigasyon sa Senado sa oras na maibalik na sa normal ang operasyon ng mga naapektuhang paliparan upang matukoy kung sino ang liable at maiwasang maulit ang naturang insidente sa hinaharap.
Sa ngayon, ayon sa CAAP official balik na sa normal ang operasyon ng mga paliparan sa buong bansa maging sa mga provincial airports na naapektuhan ng power outage.
Maliban naman sa pagtukoy sa dahilan ng power failure, target din ng CAAP na humanap ng paraan kung paano ma-upgrade ang kanilang air navigation system.










