-- Advertisements --

Ipinag-utos na ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) ang pansamantalang pagbabawal sa marahas na video game application na Gorebox kasunod ng pamamaril sa paaralan sa Tacloban City na kumitil ng tatlong estudyante at 20 iba pa ang nasugatan.

Ginawa ng ahensiya ang naturang hakbang matapos iulat ng pulisya na ang 14 anyos na suspek sa mass shooting sa San Jose National High School ay isang regular na manlalaro ng naturang application.

Ayon kay CICC Undersecreatry Aboy Paraiso, pansamantalang iba-block ang Gorebox simula ngayong araw bilang precautionary measure habang nakabinbin ang imbestigasyon sa shooting incident.

Hindi naman isinasantabi ng ahensiya ang posibleng impluwensiya ng naturang video game sa nangyaring trahediya, kayat makakatulong aniya ang pagsuspendi nito upang masusing masuri kung may naging papel ang naturang platform sa naging aksiyon ng mga menor de edad na estudyanteng suspek.

Samantala, nakikipagtulungan na ang Threat Monitoring Center ng CICC sa Council for the Welfare of Children para mas masubaybayan pa ang mga online platform.

Hinikayat naman ng CICC ang publiko na agad isumbong ang mga kaso ng cyberbullying at iba pang banta online sa pamamagitan ng hotline number na 1326.

Unang inilunsad ang Gorebox noong 2023 at ipinakilala bilang isang physics-driven sandbox game kung saan nagtatagpo ang pagkamalikhain at walang katapusang pagkawasak.

Hindi tulad ng ibang shooting games na umaasa sa makatotohanang graphics, ang GoreBox ay gumagamit ng blocky animation na katulad ng sa Roblox at Minecraft. Ang larong ito ay maaaring laruin sa mga computer o android devices.