Lumalabas na may “shake-up” o malawakang paglipat ng mga miyembro ng political parties sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Ito ay matapos kumpirmahin ni Manila Rep. Joel Chua na lumipat na siya kasama ang ilang kapwa mambabatas mula sa Lakas–Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD) patungo sa National Unity Party (NUP), kasunod ng imbitasyon ng kapwa kongresista sa Maynila, upang mabuo ang mas solidong grupo sa lungsod.
Ayon sa mambabatas, nanumpa na sila kamakailan bilang mga miyembro ng NUP dahil sa Manila bloc. Matagal na aniya nilang plano sumali sa NUP, pero wala pang bakante o slots noon.
Ayon sa mga ulat, bumaba na sa humigit-kumulang 70 ang miyembro ng Lakas-CMD, na partido ni dating House Speaker Martin Romualdez, mula sa dating 110, habang tinatayang nasa 50 naman ang kasapi ng NUP at ruling party na Partido Federal ng Pilipinas (PFP), kung saan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nagsisilbing chairman ng partido.
Wala pang opisyal na pahayag ang mga nasabing partido hinggil sa mga paglipat ng ilang miyembro.
Nangyari ang mga pagbabago bago talakayin sa plenaryo ng Kamara ang impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte.
Samantala, nanindigan ang NUP na susuportahan nito ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at papayagan ang kanilang mga miyembro na bumoto batay sa sariling paninindigan at konsensya.
Sa kabila nito, base sa ilang source, inaasahan na posibleng umabot o lumapit sa mahigit 200 boto ang suporta sa committee report kaugnay ng impeachment, habang malinaw na nasa 55 mambabatas na ang pabor dito matapos aprubahan ng lahat ng Justice Committee members.
















