Nagpaabot ng tulong pinansyal ang gobyerno ng China sa Pilipinas para sa mga kababayan nating sinalanta ng bagyong Agaton.
Ipinahayag ni Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian na napagdesisyunan ng Chinese government na magbigay ng nasa $200,000 o may katumbas na P10.2 million sa bansa upang suportahan ang disaster relief efforts ng pamahalaan para sa mga kababayan nating lubhang naapektuhan ng kalamidad.
Ito aniya ang paraan nina Chinese President Xi Jinping at State Councilor and Foreign Minister Wang Yi upang magpahayag ng pakikiramay at pakikiisa kay Pangulong Rodrigo Duterte at Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr.
Samantala, sa ngayon ay namahagi na ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa tulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), local government units (LGU), non-government organization (NGO), at ng iba pang ahensya ng pamahalaan ng mga family food packs, pagkain, hygiene kits, at iba pa bilang tulong sa mga lugar na tinamaan ng bagyong Agaton na may katumbas na P50.402 million.
Magugunita na nasa 10,402 na mga kabahayan ang sinira ng bagyong Agaton na tinatayang may katumbas na P709,500 batay sa situational report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).