-- Advertisements --
A U.S. Navy guided-missile destroyer joined ships from India, Japan and the Philippine Navy to sail through the South China Sea (file photo by Japan Maritime Self Defense Force)

Nagpahayag ng seryosong pagkabahala at mariing pinabulaanan ng China ang umano’y maling akusasyon ng Amerika at Pilipinas sa isyu sa West Philippine Sea.

Ginawa nga ng China ang naturang komento kasunod ng inilabas na joint statement ng Amerika at Pilipinas at ang isinagawang 2+2 Ministerial Dialogue para palakasin pa ang ugnayan ng dalawang bansa.

Iginiit ni Chinese Foreign Ministry spokesperson Wang Wenbin ang indisputable sovereignty ng China sa mga isla sa pinagaagawang karagatan.

Nagpapakita rin umano ng maling akusasyon ang joint statement ng Amerika at Pilipinas sa lehitimo at lawful maritime law enforcement activities sa parte ng China.

Muling ipinaalala din nito sa mga bansa sa rehiyon na ang pagsusolsol sa mga pwersa sa labas ng rehiyon ay hindi magbibigay ng mas maigting na seguridad sa halip ay magdudulot lamang ito ng tensiyon at malalagay lamang sa panganib ang kapayapaan at istabilidad sa rehiyon.

Mas mainam aniya na magkaroon ng bilateral dialogues para matugunan ang mga isyu sa WPS at iginiit na dapat huwag mangialam ang Amerika sa maritime dispute sa rehiyon.

Una rito, sa inilabas na joint statement nga ng Amerika at Pilipinas, mariing tinutulan ng dalawang bansa ang unlawful maritime claims, ang militarisasyon ng reclaimed features, ang pagbabanta at provocative activities sa disputed waters kabilang ang pagtatangka kamakailan ng People’s Republic of China na paglansag sa lehitimong operasyon ng Pilipinas sa palibot ng Second Thomas Shoal at ang paulit-ulit na panghihimasok ng maritime militia vessels ng China sa ilang sites sa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas.