Inihayag ng aktres na si Chie Filomeno na may isang taong tinawag niyang “Sofia” na umano’y nagpapakalat ng negatibong impormasyon laban sa kanya at nanghihikayat ng mga influencer upang sirain ang kanyang reputasyon.
Sa serye ng Instagram Stories noong Sabado, Oktubre 18, nag-post si Chie ng mga screenshot ng mensahe mula sa isang nagbigay-impormasyon na nagsabing nakipag-ugnayan si “Sofia” sa ilang influencer upang magpakalat ng galit laban sa aktres.
Ayon kay Chie, matagal na niyang kilala si “Sofia” bilang “masama,” ngunit nabigla pa rin siya sa aniya’y pagiging mababaw ng taong ito. Nagpahayag din siya na sana hindi maranasan ng anak ni “Sofia” ang ganitong uri ng paninira sa hinaharap.
Ibinahagi rin ng aktres ang umano’y mensaheng ipinadala niya kay “Sofia,” kung saan tinawag niya itong “traitor” at sinabing matagal na raw itong may “master plan” laban sa kanya.
Dagdag pa ni Chie, sinikap niyang huwag gumanti, ngunit nasaktan siya nang madamay ang kanyang pamilya. “I tried. I really did. I’m sorry, tao lang din ako… Iba na kapag nadadamay na sila,” ani ng aktres.
Bagama’t hindi pinangalanan ni Filomeno ang naturang “Sofia,” may mga ulat naman na nag-uugnay sa kanyang mga pahayag kay Sofia Andres, na dati na umanong nakaalitan ng aktres.
Kapansin-pansin ding may anak ang binanggit na “Sofia,” tulad ni Andres.
Kamakailan lamang, naging usap-usapan din si Chie matapos kumpirmahin ng kanyang dating kasintahan na si Jake Cuenca ang kanilang paghihiwalay. Mula noon, siya ay naiugnay kay Matthew Lhuillier, pinsan ng partner ni Andres na si Daniel Miranda.