-- Advertisements --

Nanawagan si House Deputy Speaker Rufus Rodriguez sa kanyang mga kapwa mambabatas na ipaubaya na lamang sa 19th Congress ang issue hinggil sa Charter Change (Cha-cha).

Ginawa niya ang apelang ito isang araw matapos na i-refer sa House Committee on Constitutional Amendments ang Resolution of Both Houses (RBH) No. 7.

Iginiit ni Rodriguez na wala nang sapat na oras ang 18th Congress para talakayin ang naturang resolusyon at iba pang mga Cha-cha proposals gayong nakatakdang mag-adjourn na sila sa susunod na dalawang linggo para sa election campaign.

Kung sakali mang nais din ng susunod na pangulo na isulong ang Cha-cha, dapat sa unang bahagi pa lamang ng anim na taong termino nito ay linawin na niya sa kanyang magiging mga kaalyado sa Kongreso ang kanyang mga pagnanais.

Paraan na rin aniya ito upang sa gayon maiwasan ang anumang pagdududa tulad nang pagpapalawig sa kanilang termino.

Mababatid na sa ilalim ng RBH No. 7, iminumungkahing gawin ang termino ng presidente ng limang taon pero mayroong isang reelection.