Naniniwala si House Committee on Constitutional Amendment chairman Alfredo Garbin Jr. na hindi kailangan amiyendahan ang party-list system sa ilalim ng 1987 Constitution para “masolusyunan” ang sinasabi na ilang party-list organizations ay sumusuporta sa mga rebeldeng komunista.
Ayon kay Garbin, maaring idulog na lamang ang issue na ito sa Commission on Elections (Comelec).
Sinabi ito ni Garbin matapos mapaulat na nais umano ni Pangulong Rodrigo Duterte na amiyendahan o “tanggalin,” para “masolusyunan” ang problema sa Communist Party of the Philippines-New Peoples’ Army (CPP-NPA).
Ayon sa kongresista, hindi na kailangan na amiyendahan pa ang Saligang Batas para gawin ito dahil nakasaad naman sa Party-list System Act ang mga grounds kung paano ma-disqualify makansela ang registration ng isang party-list.
Kabilang na aniya rito ay ang pagsuporta sa karahasan at kung mapatunayan na sila ay may kaugnayan sa armadong grupo.
Sa halip aniya na buwagin ang party-list system, sinabi ni Garbin, na isang party-list representatives, ang kailangan gawin ay magkaroon lamang ng reporma sa sistema.
Kasabay nito ay tiniyak ni Garbin sa kapwa niya party-list representatives na hindi niya papayagan ang anumang amiyenda sa Saligang Batas na naglalayong buwagin o tanggalin ang party-list system sa Pilipinas.