BACOLOD CITY – Sumikip ang daloy ng trapiko sa harap ng Ceres terminal sa Lungsod ng Bacolod makaraang tinangka ng kampo ni Leo Rey Yanson (LRY) na pasukin ang terminal building.
Dakong alas-6:00 ng umaga, dumating sa terminal ang pitong van na may sakay na mga guwardiya na ipinadala ni LRY at kanyang ina na si Olivia Villaflores Yanson.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod sa appointed president ng Yanson Group of Bus Companies na si Roy Yanson, galing Dumaguete City pa ang mga gwardiya na ipinadala ng kanyang kapatid.
Dahil dito, nilagyan ng railings ang paligid ng terminal at iisa lang ang entrance at exit ng mga bus kaya sumikip ang daloy ng trapiko partikular sa Lopez Jaena Street na kaharap ng terminal.
Nagdeploy din ng mga pulis upang panatilihin ang kapayapaan sa lugar.
Ayon kay Roy, sana respetuhin ng kanyang kapatid at ina ang kanilang napagkasunduan sa National Conciliation and Mediation Board nitong Biyernes na mag-uusap silang lahat sa Sabado, kasabay ng birthday ng kanyang kuya na si Ulrick.
Nitong nakaraang mga araw ayon kay Roy, nagkaisa silang magkakapatid na mapupunta sa kanya ang operation ng mga bus sa Visayas habang kay Leo Rey naman ang Mindanao.
Maliban dito, napagkasunduan din daw na i-withdraw nalang ang kaso na isinampa sa korte.
Nabatid na pending sa Regional Trial Court Branch 53 ang writ of preliminary injunction na isinampa ng magkabilang kampo.