-- Advertisements --

Muling humingi ng gabay sa Poong Nazareno ang ilang celebrities na deboto ng Poong Itim na Nazareno.

Kabilang dito sina Angeline Quinto at Rodel “Coco” Martin.

Sa kanyang online post, ibinahagi ni Coco ang kanyang larawan habang nasa simbahan para sa traslacion 2020.

“Walang hanggang pasasalamat po sa Poong Jesus Nazareno sa lubos na biyaya, pagmamahal at pag gabay sa akin at sa aking buong pamilya.
Higit pa sa aking hiniling noon ang binigay niyo sa akin ngayon.
Maraming Maraming Salamat po Ama Jesus Nazareno.❤️”
caption nito.

Para naman kay Quinto, hindi nito kailanman iindahin ang apat na taon niyang pakikipagsiksikan para sa Black Nazarene na paraan daw ng kanyang pasasalamat sa mga biyaya na mayroon siya.

“Hanggang kaya ko, itutuloy ko po. Kasi po kahit na marami ang nagsasabi na delikado, kasi kung ‘yung faith mo talaga sa kanya e buong buo mawawala ‘yung takot na iyun,” saad ng 30-year-old singer/actress.

Samantala, unang pagkakataong nakahalik ni Ai-Ai delas Alas sa imahe ng Black Nazarene sa vigil na ginanap sa Quirino Grandstand kagabi.

“Masarap sa pakiramdam dahil napakaraming tao, at first time kong nakahalik sa Nazareno,” pagbabahagi ni Ai-Ai.

Kabilang ang komedyante sa mga showbiz personality na inimbitahang mag-perform sa libreng show sa nasabing lugar para sa libu-libong deboto ng Black Nazarene.