-- Advertisements --

CEBU CITY – Inanunsyo ng Cebu City Government na may mga pagbabago sa ipapatupad ng protocols matapos isinailalim ang lungsod sa general community quarantine (GCQ) ngayong araw, June 1.

Batay sa Executive Order No. 65 na pinirmahan ni Mayor Edgardo Labella, ina-adjust nito ang curfew hours mula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng madaling araw.

Gagawin namang “24/7” ang pagbabantay ng mga pulis sa bawat border checkpoints sa lungsod upang maiwasan ang pagbuhos ng mga naglalabas-masok na sasakyan.

Mananatili pa rin ang mga minimal public health standards sa lungsod gaya ng mandatory wearing of face mask, number coding scheme ng mga sasakyan, at paggamit ng quarantine pass.

Kasabay nito ay hinikayat ng alkalde ang mga namamahala at nagmamay-ari ng mga kompanya sa lungsod na bantayan ang kalusugan ng mga empleyado lalo na at balik-operasyon na ang ilan sa mga negosyo.

Nakikiusap si Labella sa mga residente nila na magkaisa upang malabanan at mapigilan na ang nakamamatay na Coronavirus Disease 2019.