-- Advertisements --

Tiniyak ni Cebu City Mayor Michael Rama sa publiko na walang pondo ng gobyerno ang nagastos sa kanilang three-day trip sa isla ng Boracay nitong weekend kasama ang humigit -kumulang 200 na mga opisyal ng lungsod, barangay captain, satellite officers at maging ang mga kaalyado ng oposisyon.

Tumanggi naman si Rama na ibunyag ang pinagmumulan ng pondo o pangalanan ang sinumang nagsponsor nito.

Iginiit pa ng alkalde na lahat ng kanyang ginagawa ay hindi para sa kanyang pansariling interes, kundi para pa umano sa kanyang mga nasasakupan.

Samantala, ibinunyag naman ni Vice Mayor Raymond Alvin Garcia na walang usapang-pulitika sa nasabing pagtitipon.

Bahagi pa ng aktibidad ay para ipakita ang ‘sportsmanship’ at pagkakaisa ng mga kasalukuyang kapitan at ng kanilang makakalaban sa darating barangay elections.

Malaki naman ang pasasalamat ni Garcia sa pambihirang pagkakataon upang makipag-ugnayan sa mga pinuno ng barangay.