-- Advertisements --

Matagumpay na naisagawa ang State of the City Address (SOCA) ni Cebu City Mayor Mike Rama nitong Lunes ng umaga, Hulyo 3, sa Plaza Sugbo Grounds na dinaluhan nina Gov. Gwendolyn Garcia, kasama ang iba pang opisyal ng Cebu.

Dahil sa kaganapan, nagkaroon ng re-routing malapit sa City hall hanggang sa ito’y natapos.

Sa kanyang State of the City Address, idinaan ni Rama sa isang video presentation ang mga nagawang programa at mga plano ng kanyang administrasyon sa ikalawang termino nito bilang alkalde ng lungsod.

Ngunit sa kanyang maikling mensahe, sinabi pa ng alkalde na isang emosyonal ang araw na ito, lalo pa’t hindi naging “smooth sailing” ang pinagdaanan ng kanyang administrasyon nitong mga nakaraang buwan mula nang maupo siya bilang Mayor.

Samantala, kinilala naman ni Cebu City Vice Mayor Raymond Alvin Garcia ang mga pagsisikap na ginawa ng administrasyong Rama, kabilang ang bisyon para sa isang “Singapore-like Cebu City.”

Sa katunayan ay inaprubahan umano ng konseho ng lungsod noong nakaraang taon ang budget na P50 bilyon bilang suporta sa mga plano at proyekto ng alkalde.