Magiliw na nag-selfie sina House speakership rivals Leyte Representative-elect Martin Romualdez at Taguig City Representative-elect Alan Peter Cayetano matapos makipagkita kay Pangulong Rodrigo Duterte kagabi.
Dumalo rin kasi ang dalawang kongresista na nagnanais na maging lider ng Kamara sa 18th Congress sa 122nd anniversary ng Presidential Security Group sa Malacañang Park kasama si Pangulong Duterte.
Una rito, pinangalanan na ng ruling PDP-Laban party ang kanilang susuportahan naman sa speakership race na si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.
Nagdaos naman ng caucus si Romualdez kasama ang ilang incumbent at incoming na mga kongresista sa kaparehas na araw, kung saan sinabi nitong target niyang mapag-usapan ang kanilang adbokasiya para sa nalalapit na pagbubukas ng Kongreso at subukan suyuin sila na suportahan siya.
Sinabi ni Romualdez na ginagalang niya ang napiling speaker-aspirant ng PDP-Laban, at ang kanya naman kasing prayoridad ay pag-isahin daw ang mga kapwa niya mambabatas patungo sa pagpasa ng legislative agenda ng Punong Ehekutibo.