-- Advertisements --

Walang balak si 2018 Miss Universe Catriona Gray na palampasin ang pagpapakalat sa kanya raw nude photo kamakailan.

Ito’y matapos pormal nang naghain ang 26-year-old half Australian beauty na tubong Bicol ng tig-isang bilang ng kasong libel laban sa editor at writer ng isang tabloid na nagpasimulang maglathala sa naturang hubad na larawan na peke lang pala.

Kasama ni Cat ang kanyang talent manager na si Erickson Raymundo at legal counsel na si Josabeth “Joji” Alonso nang nagtungo sa Quezon City Prosecutor’s Office kahapon para isumite at panumpaan ang kanyang salaysay.

Kasong one count of libel at one count of cyber libel ang isinampa ni Gray sa Bulgar editor na si Janice Navida.

Habang isang bilang ng kasong libel din ang inihain niya sa manunulat na si Melba Llanera.

Naka-attach sa affidavit ang litrato ng isang Russian model na kamukha ng pang-apat na Pinay Miss Universe.

Ang isang litrato namang nasa bath tub ay kuha raw sa isang Valentine’s Day advertisement.

“To add greater insult to the injury, respondent Navida even tried to defend her actions by frivolously implying that they did their part to protect me, that in releasing the subject photo, they had my best interest and blurred the private part,” bahagi ng pahayag ni Gray sa kanyang affidavit.