CAUAYAN CITY – Hinahangaan ang isang 29-anyos na tinaguriang PAA-Artist na nagpipinta at nakakaguhit ng mga obra gamit lamang ang kanyang paa.
Kinilala ang PAA-Artist na si Mark Agcoaili, residente ng Cabisera 25 City of Ilagan.
Umani ng papuri si Mark dahil sa iba’t ibang obra nito tampok ang mga sikat na personalidad gaya ni 2018 Miss Universe Catriona Gray, Manny Pacquiao at iba pang kilalang politiko.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Teresita Agcoaili, ina ni Mark na dating punong barangay ng Cabisera 25 City of Ilagan, sinabi niya na normal naman itong ipinanganak at sa katunayan ay nakapagtapos pa ito ng elementarya.
Ngunit pagtungtong nito ng 13-anyos ay doon na nagsimulang makaramdam ng mga sakit ang kanyang anak partikular ang meningitis na dikalauna’y nagresulta upang maparalisa ang kanyang kamay at tuluyan na ngang hindi makapagsalita.
Sa murang edad pa lamang umano ay nakitaan na ng potensyal si Mark sa pagguhit at pangarap nitong maging isang arkitekto.
Suki rin ng mga exhibit si Mark kung saan dumadayo pa ito sa iba’t ibang lugar sa labas ng lungsod upang mas mahasa pa ang kanyang talento sa pagpipinta.
Sa pamamagitan ng social media ay ipinapakita ni Mark ang kanyang mga gawa na siyang tumatawag ng pansin sa mga residente at binibili.
Ang kanyang kinikita ay gagamitin naman sa pagbili ng mga bagong kagamitan sa pagpinta at iba pang pangangailangan.
Kuwento pa ni G. Agtcaoili, tuloy-tuloy ang pagbuhos ng suporta at pagkilala sa kanyang anak hindi lamang ng mga mamayan kundi mula sa mga lokal opisyal ng lalawigan.
Sa kasalukuyan ay aktibong miyembro si Mark ng Isabela Artists Society at Artist ng Guhit Pilipinas.