Suportado ni Miss Universe 2018 Catriona Gray ang pagsali ng isang senior citizen sa beauty pageant.
Sa isang panayam, sinabi ni Catriona na magandang plataporma ang pageantry para ibahagi ng mga kababaihan ang iba’t ibang karanasan nito sa buhay.
Ito ay matapos maiulat na isang senior citizen ang opisyal na kalahok sa gaganaping Miss Universe Philippines – Quezon City.
Naiintindihan naman umano ni Catriona ang saloobin ng ibang pageant fans na mga kumokontra dito subalit para sa kanya ay walang mali sa pag-representa ng isang babae sa kanilang komunidad gaya na lamang ng transwomen community at senior citizen.
Dagdag pa ni Catriona, bilang isang babae ay nararamdaman umano niya na nililimitahan ng edad ang potensiyal nila at mga bagay na maaari pang gawin. Kaya naman napakaganda umanong tingnan na isang babae ang tinutupad ang kanyang pangarap sa kabila ng edad.
Binigyang-diin din ng beauty queen na ang beauty pageant ay hindi lamang pagandahan bagkus isang plataporma sa mga kababaihan para maging representate ng kanilang adbokasiya at komunidad.