Tila ayaw nang palakihin ni 2018 Miss Universe Catriona Magnayon Gray ang kontrobersya sa dinaluhan niyang Miss Universe Colombia coronation.
Nabatid na judge sa nasabing pageant ang half Australian beauty na tubong Bicol kung saan muli nitong inirampa ang mga outfit na disenyong Pinoy.
Gayunman, agad pinagpiyestahan sa online world ang naging introduction ng host kay Cat kung saan siya raw ay “Australian by birth but represented the Philippines.”
Nagawa pa rin namang panatilihin ni Gray ang ngiti sa harap ng camera, ngunit may mga nakapansin din sa tinatawag na IG post nito ang makabuluhang caption na “Filipina.”
Kung maaalala, naungkat din ang Australian roots ni Cat noong koronahan bilang Miss Universe 2018 bilang kinatawan ng mga Pinoy.
Una nang naiulat na ipinanganak ang pang-apat na Pinay Miss Universe sa North Queensland, Australia kung saan taga-roon ang kanyang ama.
Ang kanyang ina naman ay purong Pinay na tubong Oas, Albay.
Taong 2011 nang manirahan na ito sa Pilipinas para sa kanyang modeling career.