LEGAZPI CITY – Nasa ilalim ngayon ng Alert Level 3 classification ng Department of Health (DOH) ang Catanduanes dahil sa tumataas na bilang ng tinatamaan ng COVID-19.
Ayon kay DOH Catanduanes Chief Dr. Robert John Aquino, umaabot na sa 70% ang utilization rate ng hospital beds para sa COVID-19 patients.
Kaya naman inirekomendang magpatupad ng granular lockdowns, active case finding at decongestion ng mga ospital sa pamamagitan ng paglilipat sa mga mild cases o asymptomatic patients sa Temporary Treatment and Monitoring Facilities (TTMF) ng mga bayan.
Kabilang rin ang pagpapabilis ng pagbabakuna lalo na sa mga A2 at A3 priority group.
Ang mga nasabing action points ang ipinaabot na ni Aquino sa lahat ng alakalde at Municipal Health Officers sa lalawigan kabilang na si Governor Joseph Cua at ang PHO.
Muling nagpaalala ang opisyal sa publiko na sumunod sa health protocols at panawagan na magpabakuna na ang mga kabilang sa priority groups.
Samantala, maliban sa Catanduanes kasamang isinailalim sa Alert Level 3 ang Masbate at Naga City sa Bicol.