-- Advertisements --

Pumanaw na ang two-time Grammy Award-winning American jazz singer, songwriter at producer na si Cassandra Wilson sa edad na 70.

Ayon sa kaniyang longtime manager na si Robert Torre, namatay si Wilson noong Setyembre 2 sa kaniyang tahanan sa Jackson, Mississippi.
Nakilala si Wilson sa kaniyang malalim at natatanging contralto voice at sa paraan ng pagsasama niya ng jazz, blues, folk, country at R&B sa kaniyang mga awitin.

Kabilang sa mga naging matagumpay niyang album ang New Moon Daughter, na nagkamit ng Grammy Award para sa Best Jazz Vocal Album, at Loverly, na nagbigay sa kaniya ng ikalawang Grammy sa parehong kategorya.

Noong 2001, tinawag siya ng Time magazine na “America’s Best Singer,” habang noong 2022 ay kinilala naman siya bilang National Endowment for the Arts Jazz Master, isa sa pinakamataas na pagkilala sa larangan ng jazz sa Estados Unidos.

Naging bahagi rin si Wilson ng Blood on the Fields ni Wynton Marsalis, ang unang jazz work na nagwagi ng Pulitzer Prize for Music noong 1997.

Hiniling naman ng pamilya at mga kaibigan ni Wilson ang privacy habang nagluluksa sila sa pagkawala ng mang-aawit.